Ebanghelyo: Juan 14:1-6
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pagninilay
“Saan ka pupunta?” Ang pamamaalam ay nagdudulot ng pagkabagabag at kalungkutan hindi lang sa aalis kundi sa maiiwan. Malungkot na eksena ang pamamaalam ng isang OFW sa kanyang pamilya sa “departure area” ng “airport.” Maihahalintulad sa eksenang ito, ang pamamaalam ng paalis na Panginoon sa kanyang maiiwang alagad. “Saan ka pupunta?” “Paano na kami?” “Ano ang mangyayari sa amin kung wala ka na?” Maraming nakabiting katanungan na nagdudulot ng pangamba. Kaya upang pahupain ang takot at lungkot, sinabi ng Panginoon sa kanyang mga alagad, “Huwag mabagabag ang inyong puso. Manalig kayo sa Diyos at Manalig din kayo sa akin.” Pinangakuan niya sila na sila’y kanyang babalikan at isasama sa kanyang patutunguhan. Isang pangako na kanilang mapanghahawakan. Hindi ba ito rin ang pangako ng OFW sa kanyang pamilya. “Pansamantala lang ang paghihiwalay natin.” “Huwag mangamba!” “Babalikan ko kayo.
Promise!” “Mabilis lang ang panahon.” “Muli tayong magkikita.” “Muling magsasama.” Inaanyayahan tayo ng mga pagbasa na magtiwala sa Panginoon. Sa ating paghihintay sa Panginoon, sa pagsapit ng panahon ng pagdududa, pagkainip at pangamba, huwag nating hayaang mabagabag ang ating puso sapagkat tapat ang Panginoon sa kanyang pangako.
© Copyright Pang Araw-araw 2025