Ebanghelyo: Juan 14:7-14
Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
“At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.” Sa Unang Pagbasa, puspos ng Espiritu Santo, ipinagpatuloy nina Pablo at Bernabe ang gawain ng Panginoon na mangaral ng Mabuting Balita. Nagsimula silang mangaral sa mga Hudyo, at pagkatapos, sa mga hentil. Dahil dito, maraming mga di-Hudyo ang sumampalataya, at sumunod sa Panginoon. At nagpatuloy sa paglaganap ang Mabuting Balita. Katulad ng mga alagad, kung sumasaatin ang Panginoon, magagawa natin ang mga bagay na di natin kayang gawin sa tanang sariling talino at lakas. Kaya nga winika ni Sta. Teresita ng Batang Jesus, “Ang lahat ay biyaya!” bilang pagpapatotoo na ang Panginoong Muling Nabuhay ang gumagawa sa katauhan natin. Kaya, inaanyayahan tayo ng mga pagbasa na palalimin ang ating ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng puso-sapusong panalangin upang ang ating isip, puso at kalooban ay umayon sa isip, puso at kalooban ng Panginoon. Kung tayo at ang Panginoon ay maging isa, kaisa rin natin ang Diyos Ama at ang Espiritu Santo. Magiging tulad ng masamyong insenso ang ating panalangin na kalugod-lugod sa Diyos. Anumang ating hilingin ay ipagkakaloob Niya sa atin sapagkat ang lahat ng ating kahilingan ay tiyak na naaayon sa Kanyang kalooban.
© Copyright Pang Araw-araw 2025