Ebanghelyo: Juan 14:21-26
Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipamamalas ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya kami gagawa ng silid para sa aming sarili. Hindi naman isinasakatuparan ng hindi nagmamahal sa akin ang aking mga salita. At hindi sa akin ang salitang naririnig n’yo kundi sa Amang nagpadala sa akin. Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang namamalagi pa akong kasama ninyo. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat – ang Espiritu Santong ipadadala ng ama sa ngalan ko – at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.
Pagninilay
“Mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.” Ang paghahangad sa Diyos ay nakasulat sa puso ng tao. Likas sa atin ang paghahanap sa Diyos. Tingnan lang natin ang kalikasan at nababatid natin na mayroong pinagmulan ang lahat ng bagay na makapangyarihan sa lahat at naroon na bago pa ang lahat. Kilala ang mga Griyego sa kanilang paniniwala sa mga diyos-diyosan. Sa Unang Pagbasa, napagkamalan nilang diyos sina Pablo at Bernabe dahil sa kanilang ipinamalas na kapangyarihan na magpagaling at sa kanilang husay sa pangangaral, Tinawag nila si Bernabe na Zeus at Hermes naman si Pablo. Sa halip na magpanggap na Diyos at angkinin ang papuri at parangal ng mga tao, ginamit nina Pablo at Bernabe ang pagkakataong ito upang ipakilala sa mga Griyego ang tunay na Diyos na makapangyarihan at puspos ng kabutihan. Sa ating panahon ngayon, malaking hamon ng ebanghelyo na maipadama natin ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamahal at pag-abot sa mga hindi naniniwala sa Diyos at nagsasabing “walang Diyos”. Madalas ang pagtanggi nila na may Diyos at ang kanilang kawalan ng pananampalataya ay nakaugat sa malalim na sugat ng kaluluwa na tinamo nila na tanging pagmamahal ang hihilom upang sila’y sumampalataya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025