Ebanghelyo: Juan 15:1-8
“Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang di namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.
Pagninilay
“Mamalagi kayo sa akin.” Likas sa atin ang paghahanap ng koneksyon sa ating kapwa. Nagbibigay ito sa atin ng kasiguraduhan at kapanatagan na hindi tayo nag-iisa. Kaisa at kasama tayo. Sa Unang Pagbasa, makikita natin kung paanong naranasan nina Pablo at Bernabe ang pagdadalisay sa mga sariling kasamahan na may ibang pananaw at paniniwala. Naging hamon sa kanila ang mapanatili ang koneksyon sa grupo sa kabila ng pagkakaiba. Sapagkat ang tunay na koneksyon ay wala sa panlabas kundi nasa panloob. Sa ating mundo kung saan madalas nating maranasan ang “disconnection” sa ating kapwa, ipinapakita ng Panginoon sa ebanghelyo ang ihamen ng puno at sanga bilang simbolo ng ating ugnayan o “konesyon” sa Kanya at sa isa’t isa. Kung naghahangad tayo ng koneksyon, mas hinahangad Niya na manatili tayong nakaugnay sa Kanya. Hilingin natin ang biyaya na manatiling nakakonekta sa Panginoon sa pamamagitan ng pananatili sa kanyang pagmamahal, upang manatili ang ating koneksyon sa isa’t isa magkaroon man ng pagkakaiba at pagtatalutalo, sapagkat magkaugnay tayo sa Panginoong Jesukristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025