Ebanghelyo: Juan 15:9-11
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan.
Pagninilay
“Mamalagi kayo sa pagmamahal ko.” Nakapagtataka na sa gitna
ng mundong puno at laganap ang “aliw” ay patuloy na lumalaganap
ang malalim na kalungkutan at depresyon. Ang aliw ay nagdudulot ng masarap at masayang pakiramdam. Subalit ito’y pansamantala at mabilis lumipas. Kapag nawala na ang tao, bagay, o natapos na ang gawain o okasyon na nagdudulot ng aliw, kasunod na lilipas ang panandaliang sarap at saya. Pagkatapos, mararamdaman natin ang kahungkagan o “emptiness” ng ating kalooban na parang walang kapunuan. Sapagkat sa likod ng paghahanap ng aliw ay ang paghahanap natin ng tunay at ganap na kagalakan na pupuno sa ating kahungkagan. Sa Unang Pagbasa pagkatapos na dalisayin ng Panginoon sa pananampalataya ang puso ng mga di-Hudyo, tinanggap nila ang Espiritu Santo na nagdulot sa kanila ng kagalakang hatid ng Mabuting Balita at ng gawaing pagliligtas. Sa ating Mabuting Balita, ipinahayag ng Panginoon na ang tunay at malalim na kagalakan ay matatagpuan lamang personal at puso-sa pusong ugnayan sa Kanya na minamahal natin at nagmamahal sa atin. Hilingin natin ang biyaya na manatili sa pagmamahal na ito kung saan tayo huhugot ng lakas para mahalin ang ating kapwa lalo na yaong mga taong higit na nangangailangan ng pagkalinga at pag-unawa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025