Ebanghelyo: Mateo 5:38-42
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama
sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay
“Mabuhay sa ngayon.” Tayo ay iniligtas na ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mapangtubos na kamatayan sa Krus. Sapagkat tayo ay nilikhang may kalayaan, kailangan nating tanggapin ang handog Niyang
kaligtasan. Si Nanay Taling ay kilala bilang “maritess ng barangay”. Alam nya ang “latest” na tsismis at isinisitsit ito tuwing umaga. Hanggang sa makarating sa kanya na ang “latest” ay tungkol sa kanya! Galit na galit si Nanay Taling. Para siyang sinampal. “Mata sa mata. Ngipin sa ngipin.” Gusto niyang sugurin at awayin ang nagkakalat ng tsismis. Subalit may bumubulong sa kalooban niya na manahimik siya, magnilay, tigilan ang pagtsitsismis at magbagong buhay. Ito ang panahon ng pagliligtas sa kanya.
Sa Unang Pagbasa sinasabi ni San Pablo na huwag nating aksayahin ang kagandahang-loob ng Diyos. Mabuhay tayo sa ngayon (present moment) upang makilala natin ang maraming pagkakataon kung paanong inililigtas tayo ng Panginoon. Sa ebanghelyo, itinuturo sa atin ng Panginoon
na tuwing nilalampasan natin ang ating galit, paghahangad na gumanti, at gumawa ng masama, at sa tuwing nagbibigay tayo ng higit sa hinihingi sa atin, dumadating sa atin ang araw ng kaligtasan. Hilingin natin ang biyaya na mabuhay sa “ngayon” at malayin ang presensya ng Panginoon na sa ati’y walang sawang nagliligtas.
© Copyright Pang Araw-araw 2025