Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw
sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
“Ikaw ay pag-ibig!” Madaling mahalin ang nagmamahal sa atin. “Automatic” ‘yon. “Effortless.” Pero, yung nakasakit, nanloko, nagtaksil, nanira, “Lord, parang iba namang usapan yon. Sure ka? Sobrang hirap naman!” Sinabi ni Mother Teresa ng Calcutta, “Magmahal ka hindi hanggang masaktan, kundi hanggang mawala ang sakit na nararamdaman.” Ang Diyos ay pag-ibig. Ang bawat isa sa atin ay nilikha na Kanyang kawangis at kalarawan. Sa ating kalooban ay may bumabalong na bukal ng kabutihan na nagmumula sa presensya ng Diyos na puno ng kagandahang-loob. Pag-ibig ang ating kalikasan! Sa Unang Pagbasa, hinihikayat ni San Pablo ang simbahan sa Corinto na tularan ang kagandahang- loob ng simbahan sa Macedonia nagbibigay sa kabila ng kanilang karukhaan, tulad ng halimbawa ng Panginoon. Sa ebanghelyo, ipinapahayag ng Panginoon na ang lahat ay tinatawag sa kabanalan. Ang kabanalan ay walang iba kundi ang maging ganap sa pagmamahal, sapagkat ang sukatan ng pag-ibig ay ang magmahal ng walang sukat gaya ng pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Nahihirapan ka bang magmahal Nahihirapang magpatawad? Pumasok ka sa’yong kalooban. Damhin ang presensya ng Diyos ng pag-ibig na sa puso mo’y nananahan. Ikaw ay pag-ibig! Angkinin at manindigan sa’yong kalikasan. Walang sinumang makaaagaw nito sa’yo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025