Ebanghelyo: Juan 20:24-29
Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang
aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad
ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay
“To see is to believe.” Bahagi ng ating karanasan bilang tao ay ang magtanong, magduda, huwag agad maniwala sa mga pinagsasabi ng iba. Gusto natin ng ebidensiya. “To see is to believe!” Iyan ang prinsipyo ng
iba. Ganyan ka rin ba? Sa isang banda masuwerte ang mga apostol tulad ni Tomas sapagkat kanilang nasilayan ang mukha ni Jesus, narinig ang kanyang tinig, nahawakan ang kanyang mahal na katawan. Maliwanag din ang sinabi ni Jesus: Mas mapalad ang sumampalataya sa kanya kahit hindi nakita ang muling nabuhay na katawan ng Panginoon. Sapat na sa atin ang pahayag ng mga apostoles at alagad ni Jesus. Kontento na tayo sa Mabuting Balita na tinanggap natin mula sa ating mga magulang, katekista, mga pari, at Obispo na naging bahagi ng ating paglago sa buhay Kristiyano. Nasisiyahan na tayo sa nakasulat sa Banal na Aklat tungkol sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamuhay sa ating piling. Para sa atin, sa
halip na “To see is to believe!” mas pabor tayo sa “To believe is to see!” Sa ating pagtitiwala sa Diyos, nararanasan natin ang maraming himala sa ating buhay. Tulad ng isang magsasaka pagkatapos ng malakas na unos: “O Diyos ko, nasira ng bagyo ang aking palay, iginuho ang aming bahay, namatay ang aking mga hayop. Pero, salamat Panginoon dahil ligtas ang aking mga anak at asawa. Magsisimula muli kami, babangon muli kami sa
iyong tulong. Amen!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025