Ebanghelyo: Mateo 11:25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala
sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Pagninilay
“Banal o sagrado?” “Huwag kang lalapit; hubarin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang lugar na kinatatayuan mo ay banal na lupa” (Exodo 3:1-12). Ano ba ng ibig sabihin ng “banal o sagrado”? Kapag ang isang bagay, lugar o tao ay tinaguriang banal, ibig sabihin ito ay isinantabi para sa Diyos at para sa plano ng Diyos. Ang bundok ng Sinai ay tinawag na banal dahil doon nakipagkita si Yawe kay Moises at tawagin siya para sa isang natatanging misyon: ang ilabas ang mga Israelita mula sa lupain ng pagka-alipin tungo sa lupang pangako at kalayaan. Sa bundok ding ito ibinigay ni
Yawe ang Sampung Utos ng Diyos bilang bahagi ng Pakikipagtipan ni Yawe sa mga Israelita: Ako ang magiging Diyos ninyo at kayo ang magiging bayan ko! Sa pagsunod nila sa Sampung Utos at pagiging tapat sa Tipanan magiging banal ang mga Israelita. Ang magasawa ay magiging banal sa kanilang katapatan sa isat-isa. Ang Simbahan ay magiging banal sa kanilang katapatan kay Jesus at sa kanyang utos ng pag-ibig. Gusto mo bang maging banal? Maging tapat ka!
© Copyright Pang Araw-araw 2025