Ebanghelyo: Mateo 12:1-8
Naglakad noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay
Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa ang
ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi ba ninyo nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
“Paskua ni Jesus.” “Sa dapithapong iyon, kakatayin ng buong pamayanan ng
Israel ang kanilang mga kordero, at kukuha kayo ng kaunting dugo at ilalagay iyon sa mga poste at hamba ng pinto ng mga bahay na kakainan ninyo” (Exodo 11:10-12:14). Ito ang tagubilin ni Yawe sa bayang Israel upang sila ay maligtas sa pagdaan ng pinakamabigat na peste sa Ehipto: ang kamatayan ng unang anak na lalaki. Itong gabing ito ng kaligtasan dahil sa dugo ng kordero ay kanilang ipagdiriwang taon-taong bilang “Paskua” ng mga Hudio. Sa ating pananampalataya, hindi na dugo ng hayop kundi dugo ng Anak ng Diyos ang ibinuhos upang maligtas tayo mula sa
kamatayang spiritual dahil sa kasalanan. Hindi na kailangan ang paulit-ulit na paghahandog ng dugo, minsan lamang ito ginawa sa krus ng kalbaryo at ito’y sapat na. Sa Banal na Eukaristiya, ating ipinagdiriwang ang “Paskua ni
Jesus”, ang kanyang pagtawid mula kamatayan tungo sa muling pagkabuhay. Makatatawid lamang tayo kasama Niya, sa pamamagitan Niya at sa Kanya!
© Copyright Pang Araw-araw 2025