Ebanghelyo: Mateo 12:38-42
Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung
paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.
Pagninilay
“Pag-alaala sa nakaraan.” “Huwag kayong matakot! Manatili kayo sa inyong kinatatayuan at tingnan ang pagliligtas na gagawin ni Yawe para sa inyo ngayon” (Exodo14:5-18). Para sa mga Israelita ang pagtawid nila sa Dagat na Pula kung saan ang tubig ay nagmistulang pader sa magkabila ay isa sa mga pagliligtas na ginawa ni Yawe. Nariyan din na mula sa isang malaking bato, umagos ang tubig upang painumin ang mga Israelita pati ang
kanilang mga hayop. Nang wala na silang makain, nagbigay si Yawe ng manna mula sa langit ang mga ibong pugo para sa kanilang karne. Sa kabila nang lahat ng ito, nakalimot pa rin sila at sumamba sa diyos-diyosan at sa bakang ginto. Mahalaga sa anumang relasyon ang pag-alala sa nakaraan: kalian ang unang pagtatagpo, ano ang mga malalaking pangyayari sa kanilang karanasan, ano yung mga petsa dapat nilang ipagdiwang. Sa pag-aalaala, tumitibay ang ugnayan at anumang pagsubok
na dumating ay kinakaya dahil nagtagumpay na sila sa nakaraan at magtatagumpay muli sila sa katapatan sa isat-isa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025