Ebanghelyo: Mateo 13:1-9
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”
Pagninilay
“Puso na may pagtitiwala sa Diyos.” “Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu ang iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!” Gusto ng Diyos na mamunga tayo ng sagana, ito ang kanyang plano at kalooban. Subalit may mga hadlang: nariyan ang matigas na puso na tulad ng matigas na daan,
niyang din ang lupang mababaw lang kaya madaling matuyo sa sikat ng araw, sila yung ang puso ay ningas-kugon lamang. Nariyan din ang mga lupang may mga dawag na sumiikil sa panamin upang hindi magbunga, sila yung mga puso na nasilaw ng mga alalahanin sa mundong ito. Subalit may nahulog sa matabang lupa at nagbunga ng marami. Ano ba ng matabang lupa na ito? Ito yung puso na may pagtitiwala sa Diyos, alam niya na sa kanyang sarili lamang walang kakayahang mamunga. Ito rin yung puso na puno ng pag-ibig sa kapwa dahil alam niya na hindi maaaring
mahalin ng Diyos at talikdan ang kapwa. Sila rin yung may puso na matibay ang kalooban sa harap ng mga pagsubok sa buhay. Puno ng pag-asa sa tagumpay ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon! Ano ba ng laman ng iyong puso?
© Copyright Pang Araw-araw 2025