Ebanghelyo: Mateo 20:20-28
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong
kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
“Sumunod sa daan ng paglilingkod.” ‘Narito po ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian”. Sinong ina ang hindi nagmamahal sa kanyang mga anak at pinapangarap ang pinakamabuti para sa kanila? Gayon ang ina nina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Pinayagan niya na iwan ang kanilang hanap-buhay bilang mangingisda upang mangisda ng mga tao sa ngalan ni Jesus. Nang makaharap niya si Jesus, kayang binigkas ang kanyang hangarin: maupo ang isa sa kanan ni Jesus at yung isa sa kaliwa sa kanyang kaharian. Maliwanag para sa ina na si Jesus ang hinihintay nilang Mesiyas sa mahabang panahon. Siya ay ang Anak ni David, siya ang magiging Hari ng mga Hudio. Kayat gusto niya na makaupo ang kanyang mga anak sa tabi ni Jesus sa kanyang trono ng kapangyarihan. Maliwanag ang sabi ni Jesus, hindi siya ang magpapasya noon kundi ang Ama. Ang talagang gusto niya ay makibahagi ang mga ito sa kanyang pag-aalay at sakripisyo para sa kaligtasan ng mga tao. At ito naman ang ginawa ng magkapatid, ang sumunod kay Jesus ay sumunod sa daan ng paglilingkod. Ikaw, kapatid, handa ka bang maglingkod sa ngalan ni Jesus?
© Copyright Pang Araw-araw 2025