Ebanghelyo: Lucas 11:1-13
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y
sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.” Sinabi rin sa kanila ni Jesus: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga
hihingi sa kanya.
Pagninilay
“Bakit kailangang manalangin?” “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad”. Bakit kailangan nating manalangin? Una, sa panalangin tayo’y napapalapit sa Diyos. Itinutuon natin ang ating atensyon at ating puso sa presensiya ng Diyos. Pangalawa, sa panalangin tayo ay nagpapailalim sa kapangyarihan ng Diyos na para sa kanya ay walang imposible. Pangatlo, sa pananalangin tayo ay hinuhubog ng Diyos na parang magpapalayok at isinasayos ang mga bahaging mahina at pangit at ginagawang kalugod-lugod sa kanya. Pang-apat, sa panalangin nasusubok ang ating pasensiya at pagsusumikap kung hindi pa ipinagkakaloob ang ating hinihingi. At maaring hindi niya ipagkakaloob kung ito’y makasasama sa atin o may mas maganda pang gustong ibigay sa atin na kailangan nating hilingin muna. Tandaan kapatid, walang panalangin na nasasayang!
© Copyright Pang Araw-araw 2025