Ebanghelyo: Mateo 13:31-35
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki
ito sa mga gulay, at parang isang puno – dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”
Pagninilay
“Sino ako ayon sa inyo?” “Nang malapit na si Moises sa kampo at nakita ang guya at sayawan, sumiklab ang kanyang galit at inihagis ang mga tapyas ng bato… at nabasag ang mga iyon sa paanan ng bundok” (Exodo 32:24-34). Maliwanag naman ang unang utos at ang pinakamahalaga sa lahat: “Ako si
Yawe, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin. Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” (Deuteronomio 5:6-7). Ang idolatriya ay ang kasalanan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan tulad ng ginawa ng mga Israelita sa guyang ginto na ginawa ni Aaron. Sa Cesaria ni Filipos, kung saan naroon ang mga diyos-diyosan ng mga Romano, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad: “Sino ako ayon sa mga tao? Sino ako ayon sa inyo? Kailangang itanong ni Jesus ang mga ito upang malaman kung nasaan ang kanilang pananalig at katapatan. Sumagot si Simon, “Ikaw po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay!” Sa kanyang muling pagkabuhay, siya ay sasambahin ng mga alagad sapagkat siya’y tunay na Diyos, ang Bugtong na Anak ng Kataas-taasan. Para sa ilan, ang kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan ang kanilang dinidiyos. Sino ba o alin ba ng pinakamahalaga sa buhay mo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025