Ebanghelyo: Mateo 13:44-46
Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya
ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang
perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.
Pagninilay
“Ang Diyos ay liwanag.” “Nang bumaba si Moises mula sa bundok ng Sinai na hawak ang dalawang tapyas, hindi niya namamalayang nagniningning
pala ang kanyang mukha.” (Exodo 34:29-35). Ang Diyos ay liwanag at sinumang lumalapit sa Diyos ay magliliwanag din. Ito ang karanasan ni Moises sa bundok ng Sinai. Ito ang karanasan ni Jesus sa bundok ng Tabor kung saan siya nagliwanag na parang araw. Ito ang karanasan ng mga santo at martir, habang sila’y napapalapit sa Diyos, sila ay nagliliwanag din. Sa mga panahon na pakiramdam natin na tayo ay nasa kadiliman dala ng
maraming pasanin sa buhay, dalang malalaking kasalanan, dala ng mga kabiguan, dala ng pagkasira ng pamilya o kamatayan ng mahal natin sa buhay, lumapit ka sa Diyos at unti-unti kang magliliwanag. Makikita mo ang lahat sa liwanag ng pananampalataya at mauunawaan mo na sa gitna ng kadiliman, naroon pa rin ang munting liwanag ng pagmamahal ng Diyos. Kapatid, lumapit ka sa Diyos ng liwanag!
© Copyright Pang Araw-araw 2025





