Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking
kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan,
sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin
ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang
tinutubo para sa Diyos.”
Pagninilay
“Para kanino ka nag-iimpok?” “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” Ang kasakiman ay isa sa pitung “deadly sins” o “capital sins” sa ating katuruang Katoliko. Ano ba ng mga palatandaan ng kasakiman? 1. Maraming biyayang tinanggap subalit ayaw magbahagi at tumulong sa iba. 2. Ang kanyang iniisip palagi ay ang kumita at tumanggap ng malaking salapi at walang pakialam sa iba. 3. Para sa kanya, ang salapi at kayamanan ang nagbibigay sa kanya ng seguridad. 4.
Hindi niya alam na siya at katiwala lamang ng anumang yaman mayroon siya. Ang tunay na may-ari ay ang Diyos at dapat lang na ibalik sa kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga dukha. Ito ang hamon sa mayaman na naparami ng kanyang ani kaya ipagigiba ang maliit na kamalig at magpapatayo ng mas malaki. At sasabihin sa kanyang sarili: “Marami ka nang pagkain at hindi na magugutom. Magsaya ka na at magpakabusog! Subalit sasabihin sa kanya ng Panginoon: “Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa, kanino mapupunta ang iyong kayamanan?” Para kanino ka nag-iimpok? Ano ang iyong iniimpok? Yung nawawala at nananakaw? O nag-iimpok ka ng kamayanan sa langit?
© Copyright Pang Araw-araw 2025