Ebanghelyo: Mateo 16:13-23
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya nga ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at
sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.”
Pagninilay
“Ang tubig ay buhay!” Mahalaga ang tubig hindi lang sa mga tao kundi sa lahat ng buhay sa mundo kaya nga masasabi nating “Ang tubig ay buhay!”
Sa disyerto ng Ehipto, malaking problema ang kawalan ng tubig kaya nagreklamo ang mga Israelita kay Moises at si Moises naman ay kumunsulta kay Yawe kung ano ang kanyang gagawin. Sinabihan
siya na tipunin ang mga Isrealita sa harap ng malaking bato at hampasin ito ng kanyang tungkod at mula rito ay bubukal ang sariwang tubig at makaiinom ang mga tao at kanilang mga hayop. Sa Bagong Tipan, sinabi ni Jesus sa isang babaing Samaritana na “Siya ang tubig ng buhay at sinumang manalig sa Kanya ay hindi na mauuhaw pa!” Ano-ano ba ang mga pagka uhaw sa ating buhay? Nauuhaw ba tayo sa kayamanan? Kapangyarihan? Katanyagan? Mga Pasarap na makamundo? Tandaan natin na hindi ito ang
makapagbibigay ng tunay na kasiyahan. Kahit mapasatin ang mga bagay na ito, mananatili pa rin tayong nauuhaw hanggang masumpungan natin ang Tubig ng Buhay na tanging si Jesus lamang ang makapagbibigay sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025