Ebanghelyo: Mateo 20:1-16
Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang
tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito, at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay
“Magpasalamat sa biyayang natanggap.” Ano ang pagkakaiba ng envy sa jealousy? Sa “jealousy” naroon ang takot na mawala sa iyo ang nasa iyo
na. Halimbawa, ang isang boyfriend ay “jealous” sa mga kaibigang
lalaki ng kanyang girlfriend. Pinagbabawalan niya ang kanyang girlfriend na makipagkaibigan sa ibang lalaki dahil nakikita niya ang mga ito bilang kakumpitensya. Ano naman ang “envy”? Ito yung damdamin na gusto mo ang isang bagay na wala pa sa iyo. Yung kapitbahay mo bumili ng bagong
kotse, gusto mo rin na bumili kahit wala ka pang budget para doon. Yung kasamahan mo sa trabaho na promote at tumaas ang sweldo at naiinggit ka sa kanyang promotion. Gusto mo yung wala pa sa iyo at kung minsan, gusto mong siraan yung napromote o yung naging successful sa kanyang karera o business. Ang ebanghelyo ay isang warning sa mga inggetero. Ibininigay ng may-ari ng ubasan ang isang denaryo gaya ng kanilang napagkasunduan, subalit binigyan din ng isang denaryo ang mga huling gumawa dahil alam
ng may-ari na may pamilya itong nangangailangan ding kumain gaya ng mga nauna. Ang tamang reaksyon ay magpasalamat sa biyayang tinanggap ng iba at hindi mainggit. Sapagkat ang ibang manggagawa ay anak din ng Diyos at kapatid din sa iisang Ama sa langit. Kapatid, mahilig ka bang mainggit sa biyayang tinangap ng iba?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





