Ebanghelyo: Lucas 5:1-11
Minsan, dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga
mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo nang kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.
Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
Pagninilay
“Mabuhay ng marapat at kalugod-lugod sa Diyos.” Noong mga bata pa tayo,
gusto nating maging kalugodlugod sa ating mga magulang. Gagawin natin ang lahat para makuha ang kanilang atensyon at pagmamahal. Sa ating paglaki at pang-unlad bilang mga Kristiyano, nalaman natin na mayroon tayong Ama sa langit na may malalim na pagmamahal sa atin at ipinakita
ito sa pagsusugo ng kanyang Bugtong na Anak. Sa Amang ito, dapat nakatuon ang ating mga pagsusumikap, ang mabuhay na marapat at kalugod- lugod sa kanya. Paano ba ito mangyayari? Una, tayo ay magiging
kalugodlugod sa Diyos kung mayroon tayong malalim na panananalig sa kanya na nauuwi sa pang-araw araw na pasasalamat sa kanyang mga biyaya. Pangalawa, marapat tayo sa kanyang harapan kung tayo’y nabubuhay sa pagsunod sa kanyang kalooban ang mga kautusan lalo na ang utos ng pagmamahal. Pangatlo, tayo ay kalugod-lugod sa kanya kapag mayroon tayong pagmamalasakit sa mga dukha, mga balo, mga ulila, mga bata, at mga inaapi. Pagmamalasakit na hindi lamang sa lebel ng damdamin kundi kumikilos at gumagawa. Kapatid, kalugod-lugod ka ba kay Lord?
© Copyright Pang Araw-araw 2025