Ebanghelyo: Lucas 6:12-19
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo. Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagninilay
“Manalangin at komunsulta sa Ama.” May mga taong takot magdesisyon
dahil sa hindi nila alam ang kanilang gagawin. May mga tao namang trabaho nila ang magdesisyon tulad ng magulang para sa kanilang maliliit na anak, mga manager ng kumpanya para sa kabutihan ng kanilang business, ang mga lider ng simbahan para sa kanilang mga kawan, ang mga
pinuno ng pamahalaan para sa kanilang mga nasasakupan. Paano ba ang tamang proseso sa pagdedesisyon? Para kay Jesus, kailangan munang manalangin at komunsulta sa Ama. Ito ang ginawa niya sa ebanghelyo.
Noong dumating ang panahon upang mamili ng kanyang mga apostol, kailangan niyang manahimik, magdasal at humingi ng patnubay sa Ama. Ito rin ang ginawa niya bago ang “Paschal Mystery” kaya umakyat sa mataas na Bundok ng Tabor at habang nananalangin ay nagbagong
anyo. Ito rin ang ginawa niya sa Halamanan ng Getsemani nang
siya’y manalangin kasabay ang pagpawis ng dugo sabay sambit ng mga kataga: “Ama, kung maaari lamang alisin mo ang mapait na kopang ito, subalit hindi ang aking kalooban kundi ang kalooban mo ang mangyari!” Kapatid, paano ka magdesisyon sa iyong buhay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025