Ebanghelyo: Lucas 9:51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
Pagninilay
“Si Jesus ang mukha ng Diyos.” “Tayo na, manikluhod kay Yawe at hanapin si Yawe ng mga Hukbo. Handa na kami.” Sa mga primitibong relihiyon, ang mga tao ang naghahanap at nag-aalay ng mga handog sa kanilang mga diyos. Subalit iba ang Kristiyanismo, ang ating mapagmahal na Diyos ang
naghahanap sa atin. Siya ang Mabuting Pastol na handang iwan ang siyamnaput siyam upang hanapin ang isang tupang naliligaw ng landas sapagkat ayaw niyang may mawala isa man. Paano at saan natin hahanapin ang Diyos? Dumating na ang Diyos sa pagdating ng kanyang Bugtong na Anak. Si Jesus ang mukha ng Diyos; ang salita ni Jesus ay Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin. Una, matatagpuan natin ang Diyos sa Banal na Kasulatan, ang Aklat ng Salita ng Diyos. Nariyan din ang Diyos sa Simbahang itinayo ni Jesus sa pamamagitan ng mga Apostol. At sa loob ng Simbahan, nariyan ang Pitong Sakramento ng presensiya ng Diyos sa ating buhay. Matatagpuan din natin ang Diyos sa mga panahong tayo’y nananalangin at nakikipag-usap sa kanya. Nariyan din ang Diyos na kumikilos sa mga pangyayari sa ating buhay at kasaysayan. Kapatid, natagpuan mo na ba ng iyong hinahanap?
© Copyright Pang Araw-araw 2025