Ebanghelyo: Lucas 12:35-38
Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating niya at pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!
Pagninilay
“Mapalad ang taong laging handa.” Ang taong laging handa ay taong mapalad, hindi lamang dahil sa tatanggapin niyang gantimpala kundi dahilan sa napakarami niyang natatamong magagandang katangiang idinudulot ng kaniyang pagiging laging handa. Ilan sa mga katangian ang pagtutuunan natin ng pansin. 1) Ang taong laging handa ay mahinahon. Wala sa kanyang puso’t isipan ang pangamba sapagkat malaki ang pagtitiwala niya sa kabutihan ng kanyang Panginoon. 2) Ang taong laging handa ay hindi basta naigugupo ng suliranin. Kung may dumating mang unos sa buhay ng taong laging handa, hinding-hindi niya basta isinusuko ang kanyang laban sapagkat ang lakas niya’y ang pagibig ng kanyang Panginoon. 3) Ang taong laging handa ay payapa ang kalooban. Ang pagkabalisa ay walang lugar sa kanyang pagkatao sapagkat alam niyang hindi siya nagkukulang sa paggawa ng parte niya sa bawat gawaing iniaatas sa kanya. Ilan lamang ang mga ito sa napakaraming katangiang natatamo ng taong laging handa, subalit wala ang lahat ng ito kung wala ang PAG-IBIG ng ating Panginoon na nagbubunsod sa ating maging laging handa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025