Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’
Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ “Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
“Isabuhay natin ang kababaang-loob.” Isang tukso sa ating lipunan ngayon ay ang maging mapagmataas. Ang pag-iisip na “ako’y mas higit kaysa iba”. Ang pagmamataas ay maaaring maging daan upang tayo ay mas lalong mahulog sa kasalanan at gayun din ang manghamak ng ating kapwa. Ang isang taong mapagmataas ay palaging nakatuon lamang sa pansariling kakayanan at kagalingan. Hindi na tumitingin sa kung ano ang nagagawa ng ibang tao para sa kanya, lalo’t higit nawawalan na ng puwang ang grasya ng Diyos sa kanyang puso. Napakagandang halimbawa ang ibinigay sa atin ng publikano sa Mabuting Balita, kung saan inaamin niya ang kanyang pagkakasala at dahil dito tanggap niya na kailangan niya ang Diyos sa kanyang buhay. At ito ang hamon para sa ating lahat, na tayo ay magkaroon ng kababaang loob na aminin ang ating pagkakasala at patuloy na hingin ang kapatawaran mula sa Diyos. Hindi natin kakayaning labanan ang mga tukso at kasalanan gamit ang ating pansariling kakayanan, kundi sa tulong at grasya ng Diyos. Huwag nawa natin tularan ang pariseo na mapagmataas na sinabi ang kanyang kagalingan at nanghamak naman ng kanyang kapwa. Nawa ay mamuhay tayo ng ayon sa batayan ng Diyos at hindi ng mundong ito. Isabuhay natin ang kababaan ng loob sapagkat mas puspos ang biyaya ng Diyos sa mga taong mapagpakumbaba. Higit na kalulugdan ng Diyos ang may mababang loob kagaya ng publikano sa Mabuting Balita.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





