Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
“Paglalaan ng oras sa Diyos.” Isang napakagandang halimbawa ang ibinibigay sa atin ng ating Panginoong Jesus. Ang kahalagahan ng pananalangin at paglalaan ng oras sa Diyos. Mula sa pitumpu’t-dalawa ay humirang ang ating Panginoon ng labindalawa. Bago pa man humirang si Jesus ng labindalawang apostol, siya muna ay nanalangin sa Ama. Marahil ay hindi naging madali para kay Jesus ang pumili at magdesisyon kung sinu-sino ang kanyang hihirangin. Sa tulong ng kanyang pagdarasal at pagtahimik kasama ang Diyos, labindalawang apostol ang nakatulong Niya sa misyon. Sa mga oras na tila hindi natin malaman kung ano ang ating
gagawin, anong desisyon ang ating pipiliin, maglaan tayo ng oras sa Diyos at manalangin. Tunay, malaki ang tulong na biyaya na maibibigay ng panalangin at pagtahimik. Hayaan nating tulungan tayo ng Diyos sa mga desisyon ng ating buhay. Kung alam natin na kasama natin ang Diyos sa pagdedesisyon, alam natin na palagi Niya tayong dadalhin sa kung saan ang mas makabubuti para sa atin. Hilingin natin ang pamamatnubay nina San Simon at San Judas, upang sa gayon ay mas maging bukas tayo sa mga biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng ating walang sawang pagdarasal at
pagsusumamo sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





