Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahaydalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang
magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong
bayan.
Pagninilay
“Overfamiliarity” Ayon sa isang kasabihan, “familiarity breeds contempt”. Kapag masyado na tayong nasanay o naging pamilyar sa isang tao, bagay, o lugar, unti-unti na tayong nawawalan ng respeto at pagpapahalaga rito. Sa halip, nagiging routinary o mechanical na lamang ang pagtrato natin sa mga ito. Sa Mabuting Balita, maaaring masyado na ring nasanay at naging pamilyar ang mga nagtitinda sa templo kung kaya hindi na nila nabigyan ng kaukulang paggalang ang bahaydalanginang ito na siyang nagbunsod upang ipagtabuyan sila ni Jesus mula sa templo. Sa ating buhay Kristiyano, malaking bahagi nito ay binubuo ng mga sagradong ritwal na tinatawag nating mga sakramento, lalo’t higit ang Banal na Misa, na palagiang ipinagdiriwang sa ating mga simbahan. Kung magpapadaig tayo sa overfamiliarity sa mga sakramentong ito, maaaring hindi tayo makalahok dito nang may tamang disposisyon na kalakip ng atensyon, paggalang at debosyon. Sa halip, maaaring maging obligasyon lamang ang ating pagtingin dito na dapat lamang gawin upang matapos na. Huwag nawa tayong mahulog sa ganitong tukso. Hayaan nating tabuyin ni Jesus ang mga masasama at makasariling disposisyon upang makadulog tayo nang may malinis na intensyon sa dambana ng biyaya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





