Ebanghelyo: Lucas 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
Pagninilay
“Wagas na pagtitiwala sa Diyos.” Sino ba ang tao na nakakayang magbigay ng lubos mula sa kanyang ari-arian? Sa ating Mabuting Balita, nakita natin na kung sino pa ang dukha siya pa ang nakapagbigay nang lubos samantalang ang mga may-kaya, ang mayayaman, tanging ang lumabis lamang sa kanila ang kanilang inialay. Ano ba ang susi at nagawang magbigay nang lubos ng dukhang babaing balo? Ito ay walang iba kundi ang wagas na pagtitiwala sa Diyos. Bilang dukha, ang balo ay namuhay nang walang ibang inaasahan kundi ang Panginoon. Hindi naman siya pinabayaan ng Diyos. Dahil dito nagawa niyang ibigay ang lahat sapagkat hindi naman nagkulang ang Diyos sa pagbibigay ng biyaya sa kanyang
buhay. Sa kabilang banda, ang mayayaman naman ay tila baga hindi lubos ang pagtitiwala sa Diyos. Ang kanilang hindi pagbibigay ng lahat, ang kanilang pag-iiwan ng yaman para sa kanilang sarili ay tanda na sumasalalay pa rin sila sa kanilang kayamanan para sa kanilang kinabukasan. Tayo ba? Gaano na ba kalaki ang ating pagtitiwala sa Diyos?
Magagawa na ba nating ialay ang lahat-lahat para sa Panginoon?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





