Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pabundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
Pagninilay
“Ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako.” Walang hindi nalalaman ang Diyos. Ang wakas o hangganan ng lahat ng bagay kasama ang tao ay tunay na malinaw na malinaw sa isipan ng ating Panginoon. Makikita natin sa Mabuting Balita ang katakot-takot na magaganap sa mundo sa nalalapit na muling pagdating ng ating Panginoong Jesus. Ito ay isang panawagan
sa atin na magkaroon ng tunay na pagtitika o pagsisisi sa ating mga nagawang pagkakasala at simulang pagnililayan at balikan ang mga nangyari sa ating naging paglalakbay dito sa lupa at ang kalalagayan ng ating budhi. Ipinababatid sa atin ng pagbasa na tayo’y maging gising at handa sa pamamagitan ng pagbabagong buhay at pamumuhay nang naaayon sa mga utos at halimbawa ng ating Panginoong Jesus. Maaaring katakot-takot ang mga magaganap subalit isa naman itong kagalakan at kaganapan ng pagliligtas para sa lahat ng taong tunay na naging tapat at
naglingkod sa ating Panginoon. Ang Diyos ay tapat sa kanyang pangako at kailanma’y hindi magbabago ang kanyang binitiwang salita para sa mga taong handang sumunod, maglingkod at maghandog ng sarili nang may kababaang loob.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





