Ebanghelyo: Lucas 21:34-36
Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Pagninilay
“Lagi kayong magbantay at manalangin.” Tunay na napakaraming
ibinibigay ang mundo sa atin subalit karamihan sa mga ito ay ang nagiging dahilan kung bakit tayo ay napapalayo sa ating Panginoong Diyos. May mga taong mas binibigyang halaga lamang ang mga makamundong bagay at nalilimutan nang bigyang pansin ang mga bagay na makalangit at espiritwal. Maraming tao ang mas nagiging abala sa mga hilig ng katawan at mga bisyo gaya ng alak at marami pang iba. Nais iparating ng Mabuting Balita ngayong araw na dapat tayong maglaan ng oras para sa Diyos, para sa pananalangin, para paunlarin ang buhay ng ating kaluluwa. Tumahimik tayo sumandali at maglaan tayo ng ilang sandali na tingnan ang ating sarili at balikan ang ating naging buhay at suriing mabuti kung paano tayo mas lalo magiging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Kailangan nating gumising na at simulang maghanda sa pagdating ng ating Panginoon sa pamamagitan ng mabubuting gawa at halimbawa. Lahat ng bagay para tayo ay maligtas ay ibinigay sa atin ng Diyos. Nasa atin na lamang kung ito ay ating bibigyang halaga o babalewalain.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





