Ebanghelyo: Lucas 10:21-24
Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
Pagninilay
“Diwa ng kaliitan at kapayakan.” Napakagandang pananaw ang mundong may kapayapaan. Isang larawan na ipinahayag sa unang pagbasa. Ngunit ang mahalaga ay ang kapayapaan ng ating kalooban. Ang kapayapaan ng kalooban ay makakamtan lamang natin kung makikiisa tayo sa nagpapakilalang Diyos. At ito ay malinaw nating makikita kung tayo ay may kababaang-loob. Ang kababaang-loob ang simula ng mapayapang pamumuhay. Kung may kababaang-loob tayo, batid natin na hindi natin magagawa lahat at kailangan natin ang tulong ng Diyos. Ang kababaang-loob ay may pagkilala sa ating sarili. Alam natin kung hanggang saan ang saklaw ng ating kakayahan. Kumakapit tayo sa Diyos, dahil ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat. Napakalaki ng tukso na iasa natin lahat sa ating sarili at talikdan ang Diyos. Kaya sa ebanghelyo binigyan ng Panginoon ng diin ang diwa ng kaliitan at ng kapayakan. Kung labis nating iisipin na tayo ay magaling o matalino ang hanap natin ay katunggali. Nalilimutan nating ituring ang mga tao sa paligid bilang kapatid. Ang kapayapaan ng kalooban ay ang pagsasaalang-alang ng kapakanan ng ibang tao at hindi pakikipagkumpetensya. Isapuso natin ang malalim na kaugnayan sa Diyos upang magkaroon ng kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





