Ebanghelyo: Mateo 11:2-11
Nang nasa kulungan si Juan Bautista, nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Kristo kaya pinapunta niya ang kanyang mga alagad para tanungin siya: “Ikaw ba ang darating o dapat bang maghintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong narinig at nakita: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga mayketong, nakaka-rinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At mapalad ang hindi natitisod dahil sa akin.” Pagkaalis ng mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Sa mga palasyo nga nakatira ang mga taong magagara ang bihis. Ano ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Totoo. At sinasabi ko na higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: Pinauna ko sa iyo ang aking mensahero upang ihanda ang daan sa harap mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit.
Pagninilay
“Magalak sapagkat malapit na ang ating kaligtasan.” Pinagdiriwang ng simbahan tuwing ika-tatlong Linggo ng Adbiyento ang Linggo ng Gaudete. Ang “Gaudete” ay isang salitang Latin na nangangahulugang“magalak.” Tanda ito ng kagalakan sapagkat malapit na ang ating kaligtasan. Sa nakalipas na buwan, maaaring hindi natin maunawaan ang tunay na kahulugan ng kagalakan, maaring tulad ni Juan Bautista ay tayo rin ay nasa kulungan ng ating kahirapan. Kay hirap paniwalaan na kung ang sinusundan nating tagapaghanda ng daraanan ng Diyos ay nasa kulungan, paano natin makakamit ang tunay na kagalakan. Sa Ebanghelyo, sinabi ni Jesus na si Juan ay mas dakila sa mga tao noon ngunit mas dakila ang sa Kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng langit. Isang magandang paaalala na tunay na may nakahandang kadakilaan at kagalakan ang Diyos sa kabila ng ating kahirapan. Minsan, tinanong ko ang isang nanay na nagtatanim ng saging sa kabundukan. Bakas sa kanya ang hirap at makikita mong siya ay nakulong sa kahirapan. Nang tanungin ko kung bakit niya nagagawa pa ring sumimba at manalangin, malinaw sa kanya na hindi siya papabayaan ng Diyos. Darating din ang araw na siya ay uuwi ng kanyang tahanan na may galak at saya dahil siya ay nakalaya sa kahirapan ng buhay. Nalalapit na ang kapaskuhan, mahirap mang sabihin pero nawa tulad ni nanay, tayo nawa ay matiyagang maghintay at magkaroon ng lakas ng loob na darating ang araw na tayo ay masayang magsisiuwi na may galak at tuwa. Makita nawa natin ang tunay na kagalakan sa kadakilaan ng Diyos nating Tagapagligtas.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





