Ebanghelyo: Lucas 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya nang ganito: “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan. Mula sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, ibinangon niya ang magliligtas sa atin, ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta: kaligtasan mula sa ating mga kaawa at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno atinalaala ang banal niyang tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway,b upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin. At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala. Ito ang gagawin ng maawaain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.”
Pagninilay
“Tapat ang Diyos sa kanyang pangako.” Mababasa natin sa unang pagbasa ang pangako ng Diyos kay David na itatayo niya ang kanyang angkan at itatatag niya ang kanyang kahariang walang hanggan. Ang ebangheyo ay naglalaman din ng pagtupad ng pangako ng Diyos kay David na naging makatotohanan nang isinilang ang Panginoong Jesus. Tunay na tapat ang Diyos sa kanyang mga pangako. Sa gitna ng mga pagbabago at kawalan ng katiyakan sa ating mundo ngayon, sinamahan pa ng mga problema at hamon ng buhay, ang pangako ng Diyos na siya ay tapat ang magbibigay sa atin ng liwanag at katiyakan. Ito ang magsisilbing lakas natin sa pang araw-araw nating pamumuhay. Kahit ano pa man ang ating pinagdadaanan, may isang Diyos na tapat sa kanyang pangako, isang Diyos na hindi nagbabago ang pagmamahal. Manatili lamang palagi tayong tapat sa ating relasyon sa kanya dahil sa huli, ang pangako pa rin ng Diyos ang magiging pundasyon ng ating pananampalataya at pag-asa. Ito ang magiging sandata o armas natin sa lahat ng ating mga takot, pangamba, at alalahanin. Ito ay isang paala-ala na sa kabila ng lahat, tayo ay may Diyos na palaging tapat sa kanyang pangako. Kahit hindi man tayo tapat sa kanya, mananatili pa rin s’yang
tapat sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




