Ebanghelyo: Marcos 3:13-19
At umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, napakinggan natin na kumpleto na ang Labindalawang mga Alagad. Tinawag sila ni Jesus sa burol. Ano ang kahalagahan ng burol sa Banal na Kasulatan? Sa Lumang Tipan, batid natin na itinuturing ang burol o ang bundok bilang isang lugar kung saan napapalapit ang tao sa Diyos. Sa maraming mga teksto sa Bibliya, ang mga burol ay ginagamit bilang mga lokasyon para sa mga komyunal na pagtitipon at mga lugar ng pananalangin at pamamagitan. Ang mga burol ay nakatayo bilang mga santuwaryo o mga espiritwal na plataporma na pumupukaw sa mga banal na pagtatagpo at mga banal na paghahayag. Kaya ang pagsama-sama nila sa burol ay hindi lamang basta tanda ng pagtitipon, kundi ito ay tawag na lumapit tayo sa Diyos. Sa pagpunta natin sa Simbahan tuwing Banal na Misa, o kapag nagdedebosyon tayo, o nagpeperegrinasyon, nilalapit natin ang sarili natin sa Diyos gaya ng paglapit ng Labindalawang Alagad. Nawa, sa ating buhay, piliin natin na lumapit sa Diyos at matuto sa kabutihan at pag-ibig ni Jesus na siyang magdadala sa atin sa daan ng kabanalan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




