Ebanghelyo: Mateo 4:12-23
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagongbuhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya. Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anuanong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.
Pagninilay
Sa tatlong taon ng pampublikong ministeryo ni Jesus, siya ay umikot sa teritoryo ng Galilea. Ito ay may 20 bayan na nasa paligid ng Lawa ng Galilea o tinatawag din na Lawa ng Tiberias. Sa Galilea, si Jesus ay nanatili roon sa maraming pagkakataon doon si Jesus ay bininyagan, ipinahayag ang Mabuting Balita, nagpagaling nang mga maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at bumuhay ng mga patay. Imbes na manirahan sa kaniyang bayan sa Nazaret, pinili ni Jesus na tumira sa Capernaum na nagmistulang sentro ng kaniyang ministeryo. Pero, ano ang meron sa Galilea? Sa aklat ni Propeta Isaias, sinabi niya: “Pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” Sa Lumang Tipan pa lamang, mayroon nang pagtukoy sa pagdating ng Mesiyas, magkakaroon ng pagbabago, magkakaroon ng liwanag, at magkakaroon ng pag-asa na magmumula sa pangako ng Diyos. Kaya naman, dito rin sa Galilea nagmula ang mga unang alagad: sina Pedro, Andres, Juan at Santiago. Sila ay mga payak na mangingisda, pero sinabi ni Jesus na sila ay magiging mga “mamalakaya ng mga tao”. Hindi na lamang sila taga-huli ng mga isda, kundi tinawag sila na hulihin ang kalooban ng mga tao patungo sa pagbalik-loob sa Diyos. Tulad ni San Pablo sa unang pagbasa na nagsikap na ipangaral ang Mabuting Balita at tulad ni Jesus at ng mga alagad, piliin din natin na magkaroon ng Galilea sa buhay natin. Ang Galilea na ito ay maaari nating mga tahanan, lugar ng pag-aaral o trabaho, o ang Simbahan. Tulad ng ginawa ni Jesus sa Galilea, tayo rin ay tinatawag na ituring na sentro ng ministeryo natin ang ating mga tinutuluyang lugar upang tulad ng mga kabutihang ginawa ni Jesus sa Galilea, tayo rin ay maging mga mamamalakaya ng mga tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




