Ebanghelyo: Marcos 4:21-25
At sinabi niya sa kanila: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang may tainga!” At sinabi niya sa kanila: “Isip-isipin ninyo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit ang wala ay aagawain pa ng anumang nasa kanya.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, ang Talinghaga ng Ilawan o “Parable of the Lamp”, ay umaapela sa ating sentido kumon or “common sense”. Bakit nga naman natin ilalagay ang lampara o ilawan sa ilalim ng higaan o sa salop? Ito naman talaga ay dapat ilagay sa isang patungan upang mailawan nang nasabing ningas ng apoy ang kabuuan ng silid kung saan siya dapat magbigay ng liwanag. Pinatutungkulan ng kuwentong ito ang kakayanan natin na maging tagapagdala ng liwanag. Ang liwanag ay simbolo para sa maraming bagay, lalo na sa positibong aspeto. Ang kaliwanagan ay tumutukoy sa kabutihan, sa paggawa ng tama, sa pagpapalaya, sa pagbubukas ng sarili, at sa tamang asal. Kasalungat nito ang kadiliman o kawalan ng Liwanag, na tumutukoy naman sa kasamaan, sa paggawa ng mali, sa pang-aalipin, sa pagsasara ng sarili, at sa masasamang hilig. Kaya naman kung si Jesus ay ang kaliwanagan na magdadala ng ilaw sa buong mundo, ito rin ang inaasahan nating gawin sa buhay natin. Sa pagsunod natin sa kalooban ng Diyos, tinatawag tayo hindi na manatili sa kadiliman, ngunit upang maging Liwanag, gaya ng ilawan o lampara, para sa ibang tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




