Ebanghelyo: Marcos 4:26-34
At sinabi niya: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.” At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay
Tulad sa binhi ng mustasa na napakaliit, kung titiyagain natin na buhayin ang kalooban ng Diyos sa ating mga sarili, para tayong itong binhi na lalago, magiging malaki, at magkakaroon ng bunga. Sinasabi na upang makamit natin ang Kaharian ng Diyos, dapat hayaan nating sumibol sa ating kalooban ang mga turo ni Jesus. Mula sa pagiging isang maliit na butil ng mustasa, lalago at yayabong ito upang maging isang masigla na puno. Dito, mas maipapakita natin sa ating kapwa ang kahalagahan ng unti-unting pagyakap sa Kaharian ng Diyos. Bilang mga nasasakupan ng Kaharian ng Diyos, yakapin natin ang pagiging isang tunay na alagad ni Jesus sa pamamagitan ng paglago ng kabutihan sa ating puso, parang isang butil nang mustasa. Sa ganitong paraan, magiging buo ang ating kalooban at patuloy nating mapagyayabong ang butil ng mustasa tungo sa pagiging Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




