Ebanghelyo: Marcos 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at bale-wala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usapusap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay
Gumawa si Jesus ng isang himala na pati ang mga alagad ay napatanong nang “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kaniya?” Hindi lamang Niya kaya magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng mga demonyo, o magturo ng kabutihan. Kaya rin ni Jesus na utusan ang kalikasan. Kung bibigyan natin ang tanong na ito ng karampatang tugon, “Sino ito na pati ang hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?” Ang tanging sagot ay kasama ninyo ang Panginoon ng Langit at ng Lupa, ang Kristo. Ang pananampalataya natin ay nag-uudyok na kilalanin natin si Jesus bilang ang Anak ng Diyos na Buhay at Walang Hanggan. Si Jesus ay hindi lamang isang propeta. Siya rin ang buhay na pagpapahayag na ang Diyos ay naririto sa ating piling, at lagi tayong ipinagtatanggol laban sa anumang pagsubok at kapahamakan. Ang kailangan lang nating gawin ay patatagin ang ating pananampalataya at buuin ang ating pagnanais na makilala ang Diyos sa bawat pagkakataon ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




