Ebanghelyo: Marcos 8:1-10
Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama sa kanya at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Pagninilay
Bilang mga taong may pananampalataya, naniniwala tayo na kalooban ng Panginoon na gumawa o kumilos sa pamamagitan natin para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Ibig sabihin, anumang mga gawaing makadiyos ay binubuo ng dalawang panig: ang bunga ng pagpapagal ng tao at ang gabay at biyaya na mula sa Diyos. Kaya naman sa kahit anong gawain, mahalaga lagi na ating tingnan ang dalawang bagay na ito bilang batayan ng tagumpay nang anumang mabuting gawain para sa Diyos at para sa kapwa. Kaya nga mayroon tayong tanyag na kasabihan: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang lahat ng ating gawain ay maaari lang maging posible kung naroon ang paggalaw ng Diyos. Kaya bago man tayo gumawa ng kahit ano, dapat lagi rin nating itinatanong kung ang mga bagay na ating ginagawa ay naaayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




