Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao – mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Ang Pariseo at ang Publikano ay mula sa magkaibang uri ng grupo. Sa batas ng mga Hudyo, ang Pariseo ay isang matuwid na tao habang ang Publikano ay isang makasalanan. Silang dalawa ay umakyat sa Templo upang manalangin, ngunit isa lamang sa kanila ang tunay na nanalangin. Pareho silang nagdasal ngunit kung titingnan nating mabuti ang kuwento ni Jesus, may pagkakaiba sa kanilang ginawa. Ang Pariseo ay nanalangin ng isang panalangin ng pasasalamat. Nagsimula siya gamit ang mga salitang “Ako ay nagpapasalamat sa iyo Diyos…”. Ang maniningil ng buwis naman ay nanalangin ng panalangin ng petisyon. Sinabi niya: “Diyos ko, mahabag ka sa akin na isang makasalanan”. Pareho silang gumamit ng tradisyonal na mga pormula ng panalangin ngunit ang panalangin lamang ng maniningil ng buwis ang katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ay hinusgahan bilang tunay na panalangin. Bakit? Ang pinagkaiba ng dalawang panalangin ay ang saloobin ng puso kung saan sila nagmula. Sa kaso ng Pariseo, ito ay isang saloobin ng pagmamataas at ng paghatol sa kapwa; sa kaso naman ng maniningil ng buwis ito ay isang saloobin ng pagpapakumbaba, na kinikilala ang kanyang kahirapan sa harap ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Kaya naman sikapin natin na huwag maging mapanghusga sa kapwa. Ang taong may mababang loob lamang ang pahihintulutang makapasok sa Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





