Ebanghelyo: Marcos 10:28-31
Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
Pagninilay
May gantimpala ang lahat ng taong handang ipagpalit ang lahat ng mayroon siya, kahit pa man ang kanyang sariling buhay alang-alang sa pagtugon at pagsunod sa paanyaya ni Jesus na maglingkod. Batid natin na kapag may mga bagay tayong sinasakripisyo para sa pagsunod kay Jesus ay mayroon itong mas kaaya-ayang kapalit. Sa oras na piliin nating maglingkod sa Panginoon, dapat handa tayong iwan ang ating mga magulang at mga kapatid, handa rin tayo na iwan maging ang sariling bayang sinilangan, aria-arian at ang komportableng pamumuhay na tinatamasa natin. Dapat handa rin tayong harapin ang anumang takot at pag-aalinlangang, ang kawalang katiyakan maging sa ating mga magiging katanungan. Puno ng mga what if statements. Sa kabila ng mga ito, mahalaga na magtiwala tayo sa proseso at isaisangtabi muna ang anumang nararamdamang agam-agam. Ganito ang karanasan ko bilang isang lingkod, bilang isang misyonero. Ano ang naging gantimpala? Sa piling ng mga taong aking pinagsisilbihan ay nakahanap ako ng mga bagong magulang at mga kapatid; nakarating sa mga lugar na hindi ko lubos akalin noon na mararating ko; natuto akong magsalita ng mga bagong dialekto at lenggwahe at namulat sa ganda at yaman ng iba pang kultura. Hindi madali ang pagsunod kay Jesus, pero may paunti-unting gantimpla na ipararanas siya na bagamat simple o payak sa paningin ay sapat na upang magpatuloy sa paglilingkod.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




