Ebanghelyo: Mateo 8:1-4
Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya. Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kanino man, kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Pagninilay
Hindi ba’t ang mga ketongin noong panahon ni Jesus ay masasabing mga pinabayaan ng lipunan. Sila ay iniiwasan dahil ang ketong, sa kanilang paniniwala, ay parusa ng Diyos sa kanilang kasalanan at ang malapit sa kanila ay magsisilbi na ring may ketong. Iba ang naging pamamaraan ni Jesus. Hindi niya iniwasan ang paglapit ng ketongin sa kaniya at sa halip na pandirihan at husgahan, siya ay kaniyang pinagaling. Ngunit ang ketongin din naman ay nagkaroon ng bukas na puso tungo sa kanyang paggaling. Sa ating buhay ngayon, marami tayong mga “ketongin” sa ating lipunan. Ito ay ang mga taong ating iniiwasang mapalapit sa atin. Sila ay ang mga nasa bilangguan, mga taong walang kaibigan, mga may kapansanan, mga vulnerable adults. Marami sa atin ang takot na lumapit sa kanila sa napakaraming dahilan. Ngunit ang paanyaya sa atin ng ebanghelyo ay ang pagtugon sa mga taong ito. Hindi sila iwasan, sa halip sila ay pagtuunan natin ng pansin. Sila rin ay may pangangailangan na maaari nating matugunan, hindi man ito materyal na bagay ngunit ang ating pagdalaw, pakikipagkwentuhan, paglalaan ng oras, at pakikipagdaupang-palad ng walang panghuhusga sa kanilang kalagayan ay sapat nang “pagpapagaling” sa kanilang pinagdadaanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





