Ebanghelyo: Lucas 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali ninyong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob! Mga hangal! Di ba’t ang maygawa ng labas ang siya ring maygawa ng loob? Pero naglilimos lamang kayo at sa akala ninyo’y malinis na ang lahat.
Pagninilay
May kakaibang pamamaraan ng pagtuturo si Jesus. Nakakagulat. Naliligalig ang mga nasa kapangyarihan. Sa salita ng mga millennial, may ‘shookt’ effect sa mga nagmamasid. Tahasang sinalungat ni Jesus ang kinagisnang tradisyon ng kanyang mga ninuno. Nagpagaling siya sa araw ng Sabat para ipakita na mas mahalaga ang tao kaysa batas. Nakisama siya sa mga ‘social outcast’ para ipadama ang pamamayani ng awa ng Diyos. Hinugasan niya ang paa ng kanyang mga alagad para ituro na paglilingkod ang rurok ng pagiging dakila. ‘Nilabag’ niya ang ilang batas at kostumbre ng Judaismo – para iwasto at punahin ang kahungkagan ng mga ito. Sa ebanghelyo, sinadya niyang hindi maghugas ng kamay bago kumain – bagay na taliwas sa hinihingi ng batas ng ‘ritual purity.’ Habang nasa estado ng pagkagulat ang nag-anyaya sa kanya at ibang panauhin, ipinamukha ni Jesus ang kababawan ng kanilang paniniwala. Hindi nakikita sa panlabas ang tunay na kalinisan ng tao. Anumang linis ng panlabas kung marumi naman ang puso, walang saysay ang mga seremonyas at ritwal ng relihiyon. “Make a mess,” ang hamon ni Papa Francisco sa mga kabataan sa isang World Youth Day event. Minsan kailangang guluhin ang lumang kaayusan at gulatin ang natutulog na budhi ng lipunan upang manumbalik tayo sa pagkabatid ng tunay na mahalaga sa buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





