Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
Bakit po tila hindi dinirinig ng Diyos ang aking dasal? At kung ipagkakaloob man, bakit pinatatagal pa Niya? May karunungan sa likod ng matiyagang paghihintay. Dinadalisay ng Diyos ang ating paghahangad. Inihahanda tayo para maging marapat sa pagpapalang kanyang ipagkakaloob. Ang totoo, ibinibigay ng Diyos ang ating hinihiling sa kanyang panahon, ayon sa kanyang pamamaraan at sa anyo na nais niyang ipagkaloob. Kung minsan, akala lang natin ay hindi tayo dinirinig ng Diyos. Yun pala, natanggap na natin ang pagpapala sa paraang nais niya. May ilang nagdarasal para yumaman, pero ang ibinibigay ng Diyos ay kapanatagan ng buhay-angkan. Yung iba ay humihiling ng paggaling sa karamdaman, subalit ang tinatamo ay kagalingang espiritwal at malalim na pananalig. Bakit tila nagtatagal? Sapagkat sinasanay ng Diyos ang ating puso na hangarin lang ang mga bagay na angkop sa ating dangal bilang mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





