Ebanghelyo: Juan 13:1-15*
(…) Ngayon, bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras para tumawid mula sa mundong ito tungo sa Ama, sa pagmamahal niya sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang kaganapan. Naghahapunan sila at naisilid na ng diyablo sa kalooban ni Judas na anak ni Simon Iskariote na ipagkanulo siya. Alam naman ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang mga kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang panlabas na damit, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya: “Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?” Sumagot si Jesus: “Hindi mo alam ngayon ang ginagawa ko pero mauunawaan mo makaraan ang mga ito.” Sinabi sa kanya ni Pedro: “Hinding-hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Kung hindi kita huhugasan, hindi ka makababahagi sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo niyang sarili. Malinis nga kayo pero hindi lahat.” Alam ni Jesus ang magkakanulo sa kanya. Dahil dito kaya niya sinabing: “Hindi lahat kayo’y malinis.” Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang panlabas na damit at bumalik sa hapag, at sinabi niya sa kanila: “Nauunawaan n’yo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag n’yo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ At tama ang pagsasabi ninyo: ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, akong Panginoon at Guro, gayundin kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin din ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.
Pagninilay
Ngayong Huwebes Santo ay ating ginugunita ang taimtim na pagbubukas-loob at puso ni Jesus sa kaniyang mga disipulo sa makabuluhang Huling Hapunan. Ipinakita at itinuro ni Jesus ang diwa ng paghuhugas ng mga paa sa mga Apostoles. Ito rin ang panahon kung saan, tulad ng mga disipulo ay pumapasok tayo sa pinakaloob na silid ng ating puso upang makadaupang-palad ang Panginoon. Siya ay patuloy na maghuhugas ng ating mga paa. Bakit pa? Bakit Siya magpapakumbaba ng husto, yuyuko at maghuhugas ng ating paa? Ito’y paalala na hinuhugasan ni Jesus ang kalooban ng ating puso at pinalalawak at pinalalalim niya ang ating pagkatao at pagiging Kristiyano upang maliwanagan tayo tungkol sa ating buhay at misyon. Sa pagtanggap natin ng kanyang habilin, tayo rin ay nagpapakumbaba, yumuyuko at naghuhugas sa isa’t isa para sa kapurihan ng loob at damdamin nating mga makabagong mga disipulo at mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





