Ebanghelyo: Juan 18:1—19:42*
(…) Nang muling lumabas si Pilato, sinabi niya sa mga Judio: “Narito’t inilabas ko siya sa inyo upang malaman n’yong wala akong matagpuang krimen sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang tinikang korona at ang kapang pulang-panghari. Sinabi sa kanila ni Pilato: “Hayan ang Tao!” Kaya nang makita siya ng mga punongpari at mga bantay, nagsigawan sila: “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya at kayo ang magpako sa krus dahil wala akong matagpuang krimen sa kanya.” Sumagot sa kanya ang mga Judio: “May Batas kami at ayon sa Batas ay dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niyang Anak ng Diyos ang kanyang sarili.” Nang marinig ni Pilato ang salitang ito’y lalo siyang natakot. Pumasok siyang muli sa palasyo at tinanong si Jesus: “Tagasaan ka ba?” Wala namang isinagot si Jesus sa kanya. Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Hindi ka ba makikipag- usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at may kapangyarihan ding ipapako ka sa krus?” Sumagot si Jesus: “Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagpaubaya sa akin sa iyo.” (…) Paghahanda noon ng Paskuwa, magtatanghaling- tapat ang oras. sinabi niya sa mga Judio: “Hayan ang inyong Hari!”Kaya nagsigawan ang mga iyon: “Alisin, alisin, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato: “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong-pari: “Wala kaming hari liban sa Cesar.”Kaya noo’y ipinaubaya siya ni Pilato sa kanila upang ipako sa krus. Kinuha nila si Jesus. Siya mismo ang nagpasan ng krus at lumabas tungo sa lugar ng kung tawagi’y Pook ng Bungo, na sa Hebreo’y Golgotha. Doon nila siya ipinako sa krus, at kasama niya ang dalawang iba
pa sa magkabila, nasa gitna naman si Jesus. Ipinasulat din ni Pilato ang karatula at ipinalagay sa krus. Nasusulat: Jesus na taga- Nazaret, ang Hari ng mga Judio. (…)
Pagninilay
Ngayong Biyernes Santo ay magaganap ang pagpapatotoo ni Jesus ng kaniyang mga salita, kaniyang mga sinasabi, ipinahahayag at ibinabahagi mula nang sinimulan niya ang paglabas niya sa Israel at mangaral ukol sa Kaharian ng Diyos, sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pagpapakita ng kaniyang dakilang awa at kapatawaran, at karanasan ng kaniyang paghihirap, kamatayan, muling pagkabuhay at pangako ng buhay na walang hanggan… ang Misteryong Paskuwal ay Misteryo ng lubos at hubad na pagpapakasakit para sa mundo at kaligtasan ng buong sangnilikha. Sa araw na ito ng Daan ng Krus, lantad na lantad ang buong katawan, isipan at kaluluwa ng ating Panginoong Jesus. Masakit, mabigat nguni’t tahimik na binalikat ni Jesus ang karanasan ng paghuhusga, pagmamaltrato, at paninirang puri at dangal upang matupad ang lahat ng kaniyang ipinahayag sa mga disipulo at sambayanan. Mula sa pinuno hanggang sa mga taong puno ng poot, ang araw ng biyernes ay pinabanal mismo ng paghihirap at bugbog na katawan at kaluluwa ng isang tao at Diyos na nagtitiis at malalim na nagmamahal sa ating lahat. Pinagmamasdan natin ngayon ng hayagan ang pintig ng duguang puso ng Diyos na manluluwas at mangingibig.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





