Ebanghelyo: Juan 13:21-33, 36-38
Pagkasabi ng mga ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa tabi ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya inanguan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy.
Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Siya iyong ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasunod ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Magmadali ka sa gagawin mo.”
Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung ba’t sinabi niya iyon sa kanya. Dahil nakay ni Judas ang bulsa, inakala ng ilan sa sinasabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y mag-abuloy sa mga dukha. Kaya pagkakuha niya sa kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito. Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. Hahanapin ninyo ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’
Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin saan ako papunta; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Iaalay mo ang buhay mo alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa.”
Pagninilay
Masakit ang itatwa ng isang matalik na kaibigan. Mas mabigat ito kaysa sa pagkakanulo – nananatili ang pagkilala sa pagkanulo, hindi sa pagtatwa. Ngunit bakit si Pedro pa ang naging batong tinayuan ng Simbahan ni Jesus pagkatapos ng Muling Pagkabuhay? Ito’y sa kadahilanang kahit gaano kalaki ang kasalanan kanyang na gawa, nagbalik-loob pa rin si Pedro kay Jesus. Sa kan yang pagtatwa kay Jesus, na lungkot at pinagsisihan niya ito. Bumalik siya sa mga alagad ni Jesus upang magpatuloy sa pagsunod. Hindi dahilan ang kasalanan upang hindi magbalik kay Jesus. Inalay ni Jesus ang kanyang sarili upang mapawi ang ating mga kasalanan. Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Siya’y patuloy na nagpapatawad at muling tumatanggap sa atin sa gitna ng ating mga pagkukulang at pagkakasala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023