Ebanghelyo: Jn 21: 1-14*
(…) Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda. At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t magalmusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at
ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda. (…)
Pagninilay
Sa pangatlong pagpapakita ni Jesus, pinuntahan Niya sila Pedro sa dating nakagawian nilang gawain – ang pangingisda. Sa kanilang ordinaryong pamumuhay. Si Jesus mismo ang pumunta, lumapit o naghanap sa kanila. Tunay na sadyang ang Diyos ang unang naghahanap sa atin sa tuwing tayo’y bumabalik sa ating dating gawi at lumalayo sa Kanya. Nariyan Siya sa ating pangaraw- araw na gawain at pagpupunyagi. Sinasamahan Niya tayo sa ating pakikibaka at batid Niya ang ating mga kabiguan. Sa dulo ng ating pagsisikap at sa tila’y nagkukubli nating pag-asa, darating si Jesus! Pakinggan natin ang Kanyang sasabihin at iuutos sapagkat doon Niya ipapamalas ang ating tagumpay at kasaganaan. Ang pagtitiyaga at pananalig ay laging magkasama. Huwag natin silang paghiwalayin upang matamasa natin ang ating mga pinakamimithi at pinapanalangin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024