Ebanghelyo: Juan 3:31-36
Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa at makalupa rin ang sinasabi niya. Walang kapantay ang naparirito mula sa langit. Pinatutunayan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patunay. Pinagtibay naman ng tumanggap sa kanyang patunay na totoo ang Diyos. Sinasabi nga ng sinugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos sapagkat walang sukat na ibinibigay sa kanya ang Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay ang lahat. May buhay magpakailanman ang nananalig sa Anak. Hindi naman nakikita ng ayaw manalig sa Anak ang buhay kundi namamalagi sa kanya ang galit ng Diyos.
Pagninilay
“Pakisabi naman sa kanya.” Minsan na rin tayong napakisuyuan na maghatid ng balita sa iba. Tayo ang pinagkatiwalaang magdala ng mahalagang mensahe patungo sa iba. Isa itong responsibilidad sapagkat dapat sisiguruhin ng nakikiusap na makararating ng maayos ang mensaheng gusto niyang iparating. Tayo’y pinagkatiwalaan, tayo’y may pananagutan. Tayo rin ay mga sinugo ng Diyos na maging tagapagdala ng Mabuting Balita sa buong mundo. Meron tayong pananagutan. Pagkaingatan natin ang mensaheng ito na dapat nating ihatid sa iba. Huwag tayong mangamba sapagkat sumasaatin ang Espiritu na sa ati’y “ibinibigay ng walang sukat.”Buong tuwa at galak nating ipamalita ang Mabuting Balita!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021