Ebanghelyo: Juan 6:16-21
Nang magtakipsilim na, lumusong sa aplaya ang kanyang mga alagad, at pagkasakay sa bangka ay nagpakabilang- ibayo ng dagat pa-Capernaum. Dumilim na at wala pa sa kanila si Jesus: at magalaw ang dagat sa malakas na ihip ng hangin.
Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, napansin nilang naglalakad si Jesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.”
Nang isasakay na nila sa bangka, bigla namang nasa pampang na na pupuntahan nila ang bangka.
Pagninilay
Tapang at kapanatagan ng kaloob ang hatid kung alam natin na may kasama tayo. Nawawala ang ating takot at pangamba kung binibigyan tayo ng kasiguruhan ng presensya ng isang tao. Minsan nga, kahit larawan na lamang o tinig lang na ating marinig mula sa telepono ay sapat ng dahilan upang lumakas ang ating kalooban. Subalit iba pa rin ang tunay na presensya na s’yang yayakap, tatapik sa balikat o hahawak sa kamay. Dakilang presensya ang nasa atin ngayon. “Ako siya; huwag kayong matakot.” Ito ang mensahe sa atin ng Panginoon na siya’y sumasaatin. Ang kanyang presensya ang magbibigay ng tunay na lakas at tapang upang patuloy nating harapin ano mang ating kinatatakutan. Nawa’y mailagay din natin ang ating presensya sa Kanyang presensya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021