Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
“Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan.” Ang inggit o “envy” ay isang damdamin na nagmumula sa paghahangad sa isang bagay o katangian na meron ang iba at wala tayo. Ang inggit ay nagdudulot ng kadiliman sa ating pag-iisip. Nagiging “insecure” tayo. Ninanakaw ng inggit ang ating saya at pagkakontento sa kung ano tayo at kung ano ang meron tayo. Sapagkat ang inggit ay nagdadala sa ating magfocus sa kung ano ang wala tayo na meron ang iba. Sa Unang Pagbasa lubhang naiinggit ang mga punong pari at ang kanilang mga tauhan sa kapangyarihang namalas nila sa mga apostol sa kanilang pangangaral ng Mabuting Balita. Dahil sa inggit, ipinadakip nila at ipinakulong ang mga apostol. Binulag ng inggit ang kanilang isipan at puso. Sa ating Ebanghelyo, ipinapahayag na dumating na ang liwanag, subalit dahil sa ating pagiging bulag, hindi natin matanggap na ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat. Kaya, sinugo ng Ama ang kanyang bugtong Anak upang ang lahat ay maligtas. Nakakaramdam ka ba ng inggit? Manahimik. Manalangin. Aminin sa Panginoon ang damdamin. Alamin kung saan ito nanggagaling. At hilingin ang biyaya ng pananampalataya na makitang ang lahat ay biyaya. May biyaya para sa lahat!
© Copyright Pang Araw-araw 2025